Oversupply ng condominium sa Kalakhang Maynila, pinasisilip sa Kamara

Pinapasilip ni Quezon City Rep. Victoria Co-Pilar sa kaukulang komite sa House of Representatives ang umano’y “condominium oversupply” sa Metro Manila.

Binanggit ni Co-Pilar sa resolusyon ang report noong Oktubre 2024 na aabot sa 67,600 ang condo units sa 510 na aktibong selling buildings sa Kalakhang Maynila na ang karamihan ay sa Pasig, Maynila, Caloocan at sa Quezon City.

Nakasaad din resolusyon ang naitalang oversupply ng condo units sa
Quezon City na nasa 18,500 units;
13,500 units naman sa Ortigas;
10,500 units sa Bay Area;
8,500 units sa Maynila;
5,800 units sa Alabang;
3,400 units sa Makati:
at 1,300 units sa BGC

Sa inihaing House Resolution 2229 ay ipinunto ni Co-Pilar na sa kabila ng labis-labis na condo units sa Metro Manila ay hindi pa rin nareresolba ang isyu ng “backlog” sa pabahay na nasa 6.5 million hanggang nitong 2024, at inaasahang tataas pa sa 22 million sa 2040.

Ibinabala ni Co-Pilar na kapag hindi natugunan ang krisis at kakulangan sa pabahay ay lalong dadami ang walang matitirhan na magpapalala sa tinatawag na “social inequality” na tiyak may epekto sa ekonomiya, trabaho o kabuhayan at kakayahang gumastos ng mamamayan.

Facebook Comments