
Cauayan City – Umabot sa P4.95 milyon ang halaga ng kabuhayan starter kits na ipinamahagi sa mga benepisyaryo mula sa mga bayan ng Naguilian, Tumauini, Roxas, at Jones sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP).
Layunin ng programa na bigyan ng matatag na pagkakakitaan at mapabuti ang pamumuhay ng mga manggagawang mahihirap na may kasanayan sa pagnenegosyo.
Kabuuang 155 skilled workers at 67 magulang ng child laborers ang nabigyan ng DOLE Isabela Field Office ng starter kits para sa hairdressing, rice retailing, food vending, carpentry, electrical installation, at iba pang hanapbuhay.
Bukod dito, dalawang asosasyon sa Roxas at Tumauini ang nakatanggap ng tulong para sa negosyo sa rice retailing at tomato processing.
Sa pamamagitan ng DOLE Integrated Livelihood Program, patuloy na tinutulungan ng ahensya ang mga manggagawang nasa laylayan upang mapaunlad ang kanilang kabuhayan.