Matagumpay na isinagawa ng Pamahalaang Bayan ng San Fabian ang payout para sa mga miyembro ng Federation of San Fabian Solo Parents mula sa 34 na barangay ng bayan noong Hunyo 9, 2026.
Sa ilalim ng programa, bawat benepisyaryo ay tumanggap ng halagang ₱3,000 bilang ayuda at suporta mula sa lokal na pamahalaan para sa mga solo parent.
Ayon sa lokal na pamahalaan, karapat-dapat matanggap ng mga solo parent ang naturang benepisyo dahil sa mabigat na responsibilidad na kanilang ginagampanan bilang pangunahing tagapagtaguyod ng kanilang mga anak at pamilya.
Naaprubahan na rin umano ng Sangguniang Bayan ang ordinansa para sa kapakanan ng mga solo parent at kasalukuyang isinusulong upang maaprubahan din sa antas ng lalawigan.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ang programa ay bahagi ng patuloy na pagkilala at suporta sa mga solo parent na nagsisilbing inspirasyon dahil sa kanilang katatagan, pagmamahal, at pagsasakripisyo para sa kapakanan ng kanilang mga anak at pamilya. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










