Friday, May 8, 2026

PAGBABA NG UNEMPLOYMENT RATE NOONG MARSO, IKINATUWA NG ILANG DAGUPENO

Sa inilabas na datos ng Philippine Statistics Authority, bumaba sa limang porsyento ang unemployment rate o bilang ng mga walang trabaho sa bansa nitong Marso.

Sa mga lokalidad tulad sa Brgy. Pantal, Dagupan City, sinabi ni Brgy. Kagawad Owen Navarro, na patuloy silang nagsasagawa ng information dissemination kaugnay sa mga job fair at iba pang employment opportunities upang makatulong sa mga jobseekers.

Kabilang din ang mga programa ng gobyerno tulad ng TUPAD at AICS para sa mga unemployed na nangangailangan ng tulong.

Ayon pa sa barangay, karamihan sa mga naghahanap ng trabaho sa kanilang lugar ay mga fresh graduates na nasa edad 20 hanggang 25 taong gulang.

Samantala, positibo naman ang naging reaksyon ng ilang Dagupeño sa pagbaba ng unemployment rate sa bansa.

Kung ikukumpara sa datos noong Pebrero na 5.1% o nasa 2.66 milyon katao , mas mababa ang unemployment rate nitong Marso na nasa 5%, katumbas ito ng tinatayang 2.58 milyong Pilipinong walang trabaho o naghahanap pa rin ng mapagkakakitaan.

Ngunit bagama’t bumaba ito kumpara noong nakaraang buwan, mas mataas pa rin ito kumpara sa naitalang 3.9% unemployment rate noong Marso 2025.

Sa kabila ng mga isinasagawang simultaneous job fairs ng Department of Labor and Employment, umaasa pa rin ang ilang Pilipino na mas dumami pa ang oportunidad sa trabaho upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan lalo na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments