PAGBABAWAL NA NAKAHUBAD SA MGA PAMPUBLIKONG LUGAR SA SAN FABIAN, MULING IPINAALALA

Nagpaalala ang Pamahalaang Bayan ng San Fabian sa publiko hinggil sa pagpapatupad ng Municipal Ordinance No. 6, Series of 2026, na nagbabawal sa paglabas ng topless o half-naked sa mga pampublikong lugar sa loob ng nasasakupan ng bayan.

Gayunman, may ilang pagkakataong hindi saklaw ng naturang pagbabawal.

Kabilang dito ang pananatili sa loob ng pribadong bahay o pribadong ari-arian, paglangoy o pagsasagawa ng iba pang water-related activities sa mga itinalagang swimming pool, beach o resort, paglahok sa mga opisyal na kompetisyong pampalakasan kung saan kinakailangan ang naturang kasuotan, mga medikal na emerhensiya o kondisyong pangkalusugan, at mga tradisyunal o kultural na pagdiriwang na nangangailangan ng partikular na kasuotan.

Sa ilalim ng ordinansa, ang mga lalabag ay papatawan ng ₱500 na multa sa unang paglabag, ₱1,000 sa ikalawang paglabag, at ₱2,500 na multa o pagkakakulong ng hanggang anim na buwan, o parehong parusa, sa ikatlo at mga susunod pang paglabag, depende sa magiging pasya ng hukuman.

Hinimok ang lahat ng residente at mga bumibisita sa San Fabian na sumunod sa ordinansa bilang bahagi ng pagpapanatili ng isang ligtas, maayos, magalang, at family-friendly na komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments