
Target ngayon ng Department of Agriculture (DA) na magsimula sa kalagitnaan ng Pebrero o kaya sa Marso ang pagbebenta ng murang bigas sa mga supermarket, groceries, at convenience stores upang palawakin ang abot-kayang presyo ng bigas sa buong bansa.
Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., tinalakay nila sa mga kinatawan ng mga supermarket, groceries, at convenience stores na layuning mapatatag ang presyo ng bigas at mapalakas ang access ng mga mamimiling Pilipino sa pagbili ng abot kayang presyo ng bigas.
Paliwanag ng Kalihim na nais makapartner ng DA ang malalaking retail chains sa bansa upang palawakin pa ang abot-kayang presyo ng bigas sa buong bansa.
Naniniwala si Laurel na ito ang solusyon sa mabilis at mas episyenteng magpapatatag sa presyo ng bigas, at sa pamamagitan aniya ng mahigit 3,200 retail outlets kabilang na rito ang SM, Robinsons, 7-Eleven, Puregold at MerryMart.
Nakikita ng DA na mahalaga ang networks na ito upang maabot ang milyon-milyong consumers kada araw.