
Maaari nang mag-apply at magawaran ng Digital Nomad Visa o DNV ang non-immigrant foreigners o mga dayuhang nagpaplanong bumisita at manatili sa Pilipinas habang nagtatrabaho.
Sa ilalim ng Executive Order No. 86, iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Department of Foreign Affairs (DFA) na gawaran ng Digital Nomad Visa ang mga dayuhan na may remote work gamit ang digital technology, at may mga kliyenteng naka-base sa labas ng Pilipinas.
Inaatasan ang DFA na maglunsad ng database ng DNV holders para mabantayan ang kanilang aktibidad at pananatili sa bansa.
Kwalipikadong mag-apply ng DNV ang non-foreign immigrants na edad 18 pataas, may pruweba ng remote work gamit ang digital technology, may sapat na kita o sahod, walang criminal record, at mayroong health insurance na sapat para sa buong panahon ng kanyang pamamalagi sa bansa.
Batay sa EO, maaari lang mag-apply ng DNV ang mga dayuhan mula sa bansang nag-aalok din nito sa mga Pilipino at mayroong Foreign Service Post ng Pilipinas; hindi banta sa pambansang seguridad ng bansa, at hindi employed sa kahit anong kumpanyang naka-base sa Pilipinas.
Para naman sa mga dayuhang galing sa mga bansang hindi nag-aalok ng DNV sa mga Pilipino, maaari silang mag-aplay sa pinakamalapit na bansang may Foreign Service Post ng Pilipinas.
Hanggang isang taon ang validity ng DNV, na maaaring i-renew at aplayan ng multiple entry.