
Pinagtibay ng mga magulang, guro, opisyal ng Department of Education (DepEd), at pamahalaang lungsod ang kanilang sama-samang pananagutan sa pagpapaunlad ng edukasyon at kapakanan ng mga kabataang Dagupeño sa isinagawang PTA Summit noong Hulyo 20.
Naging sentro ng pagtitipon ang pagpapalakas ng ugnayan ng tahanan, paaralan, at lokal na pamahalaan upang matiyak na mabibigyan ng dekalidad na edukasyon at mas magandang kinabukasan ang bawat mag-aaral.
Dinaluhan ang programa ng mga opisyal ng DepEd Dagupan. Nakibahagi rin ang Pangasinan Provincial Cyber Response Team, mga kinatawan ng pamahalaang lungsod, Division Federated Parents-Teachers Association (DFPTA), mga school head, guro, at mga magulang.
Buo namang nakibahagi at sumuporta sa mga programang magpapalakas sa partisipasyon ng mga magulang sa edukasyon ng kanilang mga anak at magtataguyod ng ligtas at maayos na kapaligiran sa mga paaralan.
Sa pagtatapos ng programa, muling pinagtibay ng mga dumalo ang kanilang pangakong magiging katuwang sa paghubog ng mga kabataang may kaalaman, mabuting asal, at kahandaang harapin ang kinabukasan sa pamamagitan ng matibay na pagtutulungan ng pamilya, paaralan, at komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










