PAGMOMONITOR SA MGA MOTORBOAT SA BARANGAY LOMBOY, DAGUPAN CITY, PINAIGTING LABAN SA OVERLOADING SA UNDAS

Pinaigting ng Barangay Lomboy sa Dagupan City ang pagmomonitor sa mga motorboat na nagbibiyahe papasok at palabas ng kanilang lugar bilang paghahanda sa inaasahang pagdami ng mga pasahero sa undas.

Ayon kay Jerry Andeza, Barangay Kagawad ng Lomboy, isa ang kanilang barangay sa mga Island Barangay sa Dagupan City na may limitadong lupain at access sa transportasyon.

Motorboat lamang ang pangunahing sinasakyan ng mga residente dahil walang ibang sasakyang madaling makapasok sa kanilang lugar.

Inaasahang dadami ang mga sasakay sa motorboat sa nobyembre uno, kung kailan bibiyahe ang mga residente patungo sa pampublikong sementeryo sa Dagupan City upang dalawin ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay, dahil walang sariling sementeryo ang Barangay Lomboy.

Sa panayam ng IFM Dagupan, binuhay ni Andeza ang kahalagahan ng mas mahigpit na pagbantay sa mga motorboat operator upang matiyak na nasusunod ang itinakdang limitasyon sa bilang ng mga pasahero at maiwasan ang overloading.

Binalaan din ni Andeza ang mga motorboat operator na may kaukulang parusa sa sinumang mapatutunayang lalabag sa itinakdang kapasidad ng kanilang sasakyan.

Kapag may reklamo at napatunayan ang paglabag, maaaring masuspindi ng isang linggo ang operator at hindi muna mag pagbiyahe sa nasabing panahon.

Samantala, umaasa naman ang mga motorboat operator na dadami ang kanilang pasahero sa undas.

Gayunman, tiniyak nilang iiwasan ang overloading at susundin ang limitasyong hanggang sampung pasahero lamang bawat motorboat upang matiyak ang kaligtasan ng mga bumibiyahe.

Binigyang-diin ng mga motorboat operator at ng sangguniang barangay ang kahalagahan ng pagsunod sa mga hakbang pangkaligtasan upang maprotektahan ang mga pasahero at mapanatili ang maayos na operasyon at kabuhayan ng mga operator sa kabila ng inaasahang pagdami ng mga biyahero sa undas.

Patuloy namang hinihikayat ang mga pasahero at motorboat operator na sumunod sa itinakdang limitasyon sa bilang ng mga sasakay upang maiwasan ang mga aksidente at matiyak ang ligtas na paglalakbay ng mga residente ng Barangay Lomboy patungo sa Dagupan City sa paggunita ng undas. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments