Sa panayam ng IFM Dagupan kay Carol Lynne Gadon, Customer Service Manager ng PAMANA Water, sinabi nitong nagsimulang dumami ang naitatalang kaso ng pagnanakaw ng water meter matapos ang pagbaha noong Setyembre 4.
Ngayong Oktubre, limang kaso na ng pagnanakaw ng water meter ang naitala ng kompanya, partikular sa Barangay A.B. Fernandez East.
Ayon kay Gadon, may dalawang uri ng water meter na ginagamit ng PAMANA Water—ang gawa sa plastic at ang gawa sa brass. Gayunman, mas madalas umanong puntirya ng mga magnanakaw ang mga water meter na gawa sa brass.
Nilinaw naman ni Gadon na ang concessionaire o may-ari ng koneksiyon ang sasagot sa gastos sa mga materyales at pagpapalit ng water meter kapag ito ay nanakaw o nasira, alinsunod sa kasunduang pinirmahan sa PAMANA Water.
Dahil dito, nakikipag-ugnayan na ang kompanya sa mga barangay sa Dagupan City at sa Philippine National Police (PNP) upang humingi ng tulong sa pagtugon sa mga insidente.
Patuloy namang pinaaalalahanan ang publiko na maging mapagmatyag upang maiwasan ang karagdagang pagkalugi at maprotektahan ang mga pasilidad ng suplay ng tubig sa lungsod. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







