Sa kabila ng posibilidad na dumami ang mga pasahero dahil sa mainit na panahon, nangangamba ang ilang drayber sa hirap ng pamamasada kapag lalo pang tumindi ang init sa mga susunod na araw.
Ayon kay Francisco Borjel, isang jeepney drayber na nakapanayam ng IFM Dagupan, nagsisikap silang magtipid ng tubig at mag-imbak ng maiinom upang maibsan ang init ng katawan habang nasa biyahe.
Gayunman, nananatiling malaking alalahanin ang posibilidad ng panibagong pagtaas sa presyo ng krudo, na maaari pang magdagdag sa kanilang gastusin sa pamamasada.
Dahil dito, umaasa si Borjel na madaragdagan ang tulong na ipinagkakaloob ng pamahalaan, dahil hindi umano sapat ang kasalukuyang ayuda upang matugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Sa kabila ng mga hamong ito, umaasa ang mga drayber na magiging sapat ang bilang ng mga pasahero upang makabawi sa kanilang gastusin at patuloy na maitaguyod ang kanilang kabuhayan.
Sa pagsisimula ng mas mainit na panahon, nananatiling hamon sa mga jeepney drayber kung paano mapananatili ang kanilang kita habang hinaharap ang epekto ng matinding init at pabago-bagong presyo ng krudo. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








