
Nakakagalit para kay Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña ang pagpapabalik ng Senate impeachment court sa Kamara ng Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Giit ni Cendaña, ang pag-delay at pagsabotahe sa impeachment process ay isang kahihiyan at maituturing na pambabaluhura sa konstitusyon.
Ipinunto ni Cendaña na kinukwestyon ng mga senator-judge ang naging trabaho ng mga kongresista sa pagbuo at pagpasa ng Articles of Impeachment pero ang totoo ay tinatakasan lang ng mga ito ang responsibilidad at mandato ng konstitusyon.
Diin ni Cendaña, kanilang binasang mabuti ang Articles of Impeachment bago inaprubahan at isinumite sa Senado kaya malinaw na walang pagkukulang ang Kamara at ang isyu ngayon ay ang kaduwagan ng Senado.
Dagdag pa ni Cendaña, hindi na maikakaila ngayon na ang mga senator-judge ay wala sa panig ng katotohanan, katarungan, at taumbayan.