
Ngayong National Women’s Month ay nanawagan si House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera sa pamahalaan na pag-ibayuhin ang financial opportunities para sa mga kababaihan.
Ayon kay Herrera, sa pamamagitan ito ng pagpapalawig sa tulong pinansyal at pagpapautang na ipinagkakaloob sa mga kababaihan ng kaukulang ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment at Department of Trade (DOLE), and Industry Small Business Corporation.
Binanggit ni Herrera na ito ay para maiwasan na kumapit sa karamihan sa mga ‘5-6’ lenders ang kababaihan, lalo na ang mga solo parent tuwing nagigipit dahil sa laki o dami ng mga gastusin.
Mungkahi ni Herrera sa DTI SBCorp, alisin na ang collateral at intrest para sa loan ng mga kababaihan na mula ₱30,000 hanggang ₱1 million para matulungan silang makapagsimula ng negosyo.
Mainam din para kay Herrera kung papaloob sa mga financial support programs para sa kababaihan ang modernong kagamitan at digital platforms para maging maunlad ang kanilang negosyo na papakinabangan ng kanilang buong pamilya at makakatulong sa pag-unlad ng buong bansa.