PAGTAAS NG SALINITY LEVEL SA SABANGAN DEEP WELL AT SPRING SOURCES SA ALAMINOS CITY, IKINABABAHALA NGAYONG TAG-INIT

Nagbabala ang pamunuan ng Alaminos City Water District sa pagtaas ng alat o “salinity level” ng tubig mula sa deep well at mga spring source sa lugar tuwing panahon ng tag-init.

Ayon sa ulat, dulot ito ng matinding init, kakulangan ng ulan, at pagbaba ng water level sa ilalim ng lupa na kung saan kapag bumababa ang lebel ng tubig-tabang, nagkakaroon ng tinatawag na salt water intrusion o pagpasok ng tubig-alat mula sa karagatan na humahalo sa suplay ng tubig-tabang.

Dahil dito, napapansin ang pagbabago sa lasa ng tubig na maaaring makaapekto sa paggamit nito, lalo na sa pag-inom at pagluluto.

Gayunpaman, tiniyak ng tanggapan na patuloy ang kanilang isinasagawang mga hakbang tulad ng operational controls at regular na pagsusuri ng kalidad ng tubig upang mabawasan ang epekto ng naturang problema.

Sa kabila nito, inaanyayahan ang mga concessionaire na mag-imbak ng sapat na tubig habang maayos pa ang kalidad ng suplay sa kanilang mga gripo, bilang paghahanda sa posibleng pagbabago sa kondisyon ng tubig.

Hinimok din ang publiko na magtipid at maging maingat sa paggamit ng tubig upang makatulong sa pagpapanatili ng sapat at ligtas na suplay para sa buong komunidad. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments