
Isinusulong ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) ang pagtuturo ng digital literacy sa mga nakatatanda upang makasabay ang mga ito sa mabilis na takbo ng teknolohiya at makaiwas sa mga panloloko online.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni NCSC Commissioner Dr. Mary Jean Loreche na katuwang ng komisyon ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pagpapatupad ng mga programa para sa mga lolo’t lola.
Ayon kay Loreche, may 9.5 milyong senior citizens na ang nakarehistro sa database ng DICT, habang ang NCSC ay may tinatayang 12 milyon sa kanilang tala, batay na rin sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sinabi ni Loreche na nais ng dalawang ahensya na pag-isahin ang mga impormasyong ito upang makabuo ng isang komprehensibong registry ng lahat ng senior citizen sa bansa at maplantsa ang mga programang pangkalusugan para sa mga ito.
Mahalaga aniya ito upang matukoy ang mga pangunahing pangangailangan ng mga nakatatanda, lalo na pagdating sa kalusugan at mga gamot o maintenance.