Palasyo, nakiramay sa naulilang pamilya ng pulis na nasawi sa plane crash sa Quezon

Nagpaabot ng pakikiramay ang Palasyo ng Malakanyang sa mga naulilang mahal sa buhay ni Police Patrolman Allen Noel Ona na nasawi dahil sa pagbagsak ng Philippine National Police (PNP) helicopter nitong Lunes (February 21) ng umaga sa Quezon.

Base sa inisyal na ulat, patungo sana ang helicopter sa Balesin Island upang sunduin si PNP Chief Gen. Dionardo Carlos, nang mangyari ang insidente.

Ayon kay acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, iniimbestigahan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang naturang insidente at hihintayin nila ang resulta ng pagsisiyasat, kung saan dalawang police officers din ang sugatan.


Samantala, nagpaabot rin ng pakikiramay ang Malakanyang sa pagpanaw ni Tarlac First District Representative Carlos Cojuangco, na nasawi sa edad na 58.

Sinabi ni Nograles na kaisa sila ng pamilya at malalapit sa buhay ni Cong. Cojuangco sa pananalangin para sa kapayapaan ng kanyang kaluluwa.

Facebook Comments