Magkakaloob ang pamahalaan ng tig-₱150,000 na tulong pinansiyal sa mga naulilang pamilya ng tatlong estudyanteng nasawi sa pamamaril sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City.

Ayon kay Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro, direktang ibibigay ang ayuda sa bawat pamilya ng mga biktima upang makatulong sa kanilang pagbangon matapos ang trahedya.

Magtutulungan din aniya ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH) upang magbigay ng psycho-social support sa mga estudyante, pamilya, at iba pang naapektuhan ng insidente.

Nauna nang inihayag ng Malacañang na labis na ikinalungkot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang nangyaring pamamaril at iniutos ang masusing imbestigasyon upang mapanagot ang mga sangkot.

Facebook Comments