
Pinaglalatag ni Senator Sherwin Gatchalian ang Department of Agriculture (DA) ng pangmatagalan at matatag na solusyon para maibaba ang presyo ng mga pagkain, kabilang na ang presyo ng karneng baboy.
Kasunod na rin ito sa pag-alis ng price cap o ng maximum suggested retail price (MSRP) sa karneng baboy bunsod na rin ng epekto ng African Swine Fever (ASF) at pagbaba ng suplay nito.
Ayon kay Gatchalian, sa halip ng mga pansamantalang market intervention ay makabubuti kung magkaroon ng long-term sustainable solutions ang DA para tuluyang maibaba ang presyo.
Iminungakahi ng mambabatas na tutukan ng ahensya ang pagpapalakas ng lokal na produksyon ng produkto at pagtugon sa mga hamon tulad ng livestock diseases.
Ang paraan aniyang ito ay hindi lang makapagpapatatag ng presyo ng pagkain kundi makakabawas din sa pagiging vulnerable o lantad ng hog industry mula sa mga external risk.