PANUKALA UKOL SA PAGPAPABUTI NG SISTEMA NG TRANSPORTASYON AT KALSADA SA BAYAMBANG, TINALAKAY ‎ ‎

Tinalakay sa isang pampublikong pagdinig na isinagawa ng Sangguniang Bayan (SB) ng Bayambang ang dalawang panukalang ordinansa na nakatuon sa pagpapabuti ng sistema ng transportasyon at pagpapatibay ng kaligtasan sa kalsada, lalo na sa gabi.

‎Dumalo at nakilahok sa talakayan ang mga kinatawan ng TODA, mga motorista ng motorsiklo, pati na rin ang mga gumagamit ng bisikleta, e-bike at e-trike.

‎Binigyan sila ng pagkakataong ilahad ang kanilang mga hinaing at mungkahi kaugnay ng mga ordinansa.

‎Isa sa mga pangunahing panukala ang Tricycle Management Code ng Bayambang, na layuning maglatag ng mas sistematikong pamamahala sa operasyon ng mga tricycle sa bayan upang maiwasan ang kalituhan sa ruta, prangkisa, at operasyon.

‎Kasabay nito, isinulong din ang Night-time Visibility Ordinance na nag-aatas sa mga motorista at gumagamit ng bisikleta, e-bike at e-trike na magsuot ng reflective vest o maliwanag na kasuotan.

‎Para naman sa mga siklista at e-bike/e-trike users, kinakailangan ang paggamit ng high-visibility lights mula alas-6:00 ng gabi hanggang alas-6:00 ng umaga upang mabawasan ang aksidente sa madilim na kalsada.

‎Layon ng mga panukala na magkaroon ng mas organisado at maayos na tranportasyon at kaligtasan sa kalsada sa nasabing bayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments