
Isinusulong muli ni Navotas Representative Toby Tiangco ang panukala na alisin ang systems loss charges sa buwanang singil sa kuryente ng mga consumer.
Ayon kay Tiangco, hindi makatarungang ipasa sa mga mamamayan ang gastos na dulot ng nakaw-kuryente at iba pang pagkalugi o inefficiencies ng mga power utility na wala naman silang kontrol.
Inihain niya ang House Bill No. 10273 o ang System Loss Charges Abolition Act of 2026 bilang suporta sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address o SONA na alisin na ang systems loss charges upang makatulong sa pagpapababa ng presyo ng kuryente.
Sinabi ng mambabatas na una na niyang inihain ang kaparehong panukala noong 2010 pero hindi ito umusad.
Dahil suportado na aniya ito ngayon ng pangulo, umaasa siyang magkakaroon na rin ng sapat na suporta sa Kongreso para maisabatas ang panukala.
Iginiit ni Tiangco na kung seryoso ang pamahalaan sa pagpapagaan ng gastusin ng mga Pilipino ay dapat alisin ang mga bayaring hindi naman kasalanan ng mga consumer at tiyaking hindi na sila magbabayad para sa mga pagkaluging wala silang pananagutan.










