Panukalang big-time minimum wage hike sa Kongreso, tinabla ng economic managers; desisyon sa dagdag sahod, dapat manatili sa mga Regional Wage Board

Malamig ang economic managers sa isinusulong na panukalang batas sa Kongreso para magpatupad ng malakihang dagdag sahod sa mga manggagawa.

Batay sa isinumiteng position paper ng economic managers ng Marcos Administration, may mga hindi magandang epekto ang panukalang ₱200 across-the-board na minimum wage hike na ipinasa sa Kamara at ₱100 umento sa sahod na isinusulong sa Senado.

Isa sa pinangangambahan ang paglobo ng inflation lalo na’t inaasahang tataas ang tinatawag na production costs na magreresulta sa pagsirit ng presyo ng mga bilhiin.

Naniniwala rin ang mga ito na ang pinakamahihirap na Pilipino ang maaapektuhan dahil ni hindi naman kumikita ang mga ito ng minimum wage.

Mahihirapan ding makasunod ang micro-small and medium enterprises na bumubuo sa 90 porsyento ng mga negosyo sa bansa.

Habang para sa mga manggagawa, lalong dadami ang mawawalan ng trabaho sa pangambang hindi makayanan ang pagpapasahod ng mas malaki.

Dahil dito, inirekomenda sa Pangulo na ang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards pa rin ang sundin sa pagdedesisyon ng umento sa sahod upang matugunan ang bawat problema ng iba’t ibang rehiyon.

Ang joint position paper ay pirmado nina Finance Secretary Ralph Recto, Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Frederick Go, Department of Economy, Planning, and Development (DepDev) Secretary Arsenio Balisacan, Budget Secretary Amenah Pangandaman, Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ma. Cristina Roque at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Eli Remolona.

Facebook Comments