
Sapul sa CCTV ang ginawang pag-shopping spree ng mga kawatan na ito sa isang tindahan ng cellphone sa Tondo, Maynila.
Makikita ang paglimas ng mga suspek sa mga gadget na nagkakahalaga ng aabot sa mahigit ₱5.1 million.
Ayon sa Manila Police District (MPD), nangyari ang panloloob sa establisyimentong sakop ng Barangay 252 madaling araw kahapon, July 10.
Agad tumakas ang mga salarin gamit ang pulang toktok at isang motorsiklo.
Pero minalas ang isa sa mga kasamang kawatan nang maiwan ang backpack na naglalaman ng kaniyang pagkakakilanlan.
Ito ang naging dahilan ng pag-aresto kay Alinor Amir sa Paranaque City.
Nakuha mula sa kaniya ang 5 piraso ng iPhone na kasama sa mahigit 300 na tinangay ng mga suspek.
Isa ring kasama niya ang bumagsak sa kamay ng mga awtoridad at narekoober ang mga getaway vehicle na ginamit sa krimen.
Sa ngayon, lima pa ang patuloy na pinaghahanap ng MPD District Intelligence Division.