
Nananawagan si House Deputy Speaker at Quezon Rep. David “Jayjay” Suarez sa mga kasamahang mambabatas na agad ipasa ang House Bill No. 9825 o panukalang Digital Safety of Minors Act.
Apela ito ni Suarez, kasunod ng pamamaril ng dalawang estudyante sa San Jose National High School sa Tacloban City at iba pang mga krimen sa iba pang mga paaralan na kagagawan ng mga menor de edad.
Diin ni Suarez, ang nabanggit na mga masakit at nakaalarmang insidente ay nagpapakita na hindi natin pwedeng balewalain ang epekto ng harmful content, cyberbullying, online exploitation, at masasamang impluwensya sa kabataan.
Iginiit ni Suarez na kapag ang mga bata ay naiiwan sa digital spaces na walang sapat na gabay at proteksyon ay lumalaki ang panganib sa kanilang kaligtasan, pag-iisip, at paghubog bilang tao.
Sa ilalim ng panukala ay itinatakda ang pagpapatupad ng mga mekanismo, mga limitasyon at default safety settings para maproteksyunan ang mga menor de edad laban sa mga online advertisement at iba pang content na hindi makabubuti sa kanila.










