Tatlong hinihinalang high-value drug individuals ang naaresto ng mga awtoridad matapos ang magkahiwalay na buy-bust operations sa Pangasinan at La Union kung saan mahigit ₱524,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam.
Ayon sa Police Regional Office 1 (PRO1), ang operasyon ay isinagawa bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga sa rehiyon, sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang police units at drug enforcement groups.
Sa Pangasinan, isang caretaker sa bukid at isang welder, ang naaresto ng mga operatiba ng Pangasinan Police Provincial Drug Enforcement Unit kasama ang iba’t ibang intelligence at enforcement units. Nakumpiska sa kanila ang humigit-kumulang 60 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang ₱408,000.
Samantala, sa hiwalay na operasyon sa La Union, isang unemployed na suspek na residente rin ng Sto. Tomas ang nadakip ng mga tauhan ng Sto. Tomas Municipal Police Station katuwang ang iba pang law enforcement agencies. Nakuha sa kanya ang humigit-kumulang 17.06 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng ₱116,008.
Binigyang-diin din ng PRO1 ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na intelligence-driven operations at inter-agency cooperation upang masugpo ang mga drug network at mapanatili ang kaligtasan ng mga komunidad sa Ilocos Region.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang mga naarestong suspek at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








