PANUKALANG TRICYCLE CODE AT KALIGTASAN NG MGA MOTORISTA SA GABI, ISASAILALIM SA PAMPUBLIKONG PAGDINIG SA BAYAMBANG

Dalawang panukalang ordinansa na may kaugnayan sa pamamahala ng mga tricycle at kaligtasan ng mga motorista ang isasailalim sa pampublikong pagdinig ng Sangguniang Bayan ng Bayambang sa darating na Hulyo 3, 2026.

Batay sa ulat ng lokal na pamahalaan, kabilang sa tatalakayin ang panukalang Tricycle Management Code, na naglalayong magtakda ng mga alituntunin sa operasyon at pamamahala ng mga tricycle sa bayan.

Pag-uusapan din ang isang panukalang ordinansa na mag-oobliga sa mga sakay at drayber ng motorsiklo at traysikel na magsuot ng high-visibility reflective vest kapag bumibiyahe mula alas-6 ng gabi hanggang alas-6 ng umaga.

Ayon sa panukala, maging ang mga bisikleta, e-bike, at e-trike ay planong atasan din na gumamit ng reflective vest o high-visibility lights sa parehong oras. Kung maaprubahan, magkakaroon din ng kaukulang parusa ang mga lalabag sa naturang ordinansa.

Ayon sa paanyaya ng Sangguniang Bayan, layunin ng pampublikong pagdinig na makuha ang pananaw ng mga sektor ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA), mga drayber at pasahero ng motorsiklo, gayundin ang mga gumagamit ng e-bike at e-trike.

Pangungunahan naman ang nasabing pagdinig ng pinagsamang mga komite ng Transportation and Communication at Public Management and Safety ng Sangguniang Bayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments