Naglabas ng pastoral letter si Socrates B. Villegas kung saan kaniyang binigyang-diin ang umano’y lumalalang korapsyon, pag-abuso sa kapangyarihan, at pagbagsak ng moralidad sa pamahalaan.
Sa liham na nakatakdang basahin bilang homiliya sa lahat ng misa ngayong Ascension Sunday, inilarawan ng arsobispo ang kasalukuyang kalagayan ng bansa bilang “nakalulungkot at nakagagalit” kasunod ng mga kontrobersiyang politikal sa mga nakaraang araw.
Tinukoy rin sa pastoral letter ang biglaang pagbabago sa liderato ng Senado na ayon sa kaniya ay nagdudulot ng pangamba sa proseso ng pananagutan at pagpapatupad ng batas.
Nanawagan naman si Villegas sa publiko na magsisi, manalangin, makilahok, at gamitin ang mga legal na pamamaraan upang maisulong ang pagbabago sa politika.
Hinimok din niya ang mga botante na maging mapanuri sa pagpili ng mga kandidato sa susunod na halalan at iwasang suportahan ang mga opisyal na nasasangkot umano sa katiwalian.
Ayon pa sa arsobispo, mahalagang gampanan ng mamamayan ang kanilang tungkulin sa pamamagitan ng matalinong pagboto, pananagutan, at pagkilos batay sa konsensya upang maituwid ang direksiyon ng bansa. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣




