
Walang kondisyon o kapalit ang nais na pakikipagkasundo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga Duterte.
Tugon ito ng Palasyo sa pahayag ni Atty. Harry Roque na kung talagang bukal sa puso ang pakikipag-ayos ng Pangulo ay pauwiin nito sa Pilipinas si dating Pangulong Rodrigo Duterte, magpapa-hair folicle test, at ipatitigil ang impeachment case ni VP Sara Duterte.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi babaliin ni Pangulong Marcos ang batas para lamang makipagkasundo sa iisang tao o ilang indibidwal.
Ang tunay aniya na pakikipag-ayos ay hindi dapat hinihingan ng mga kondisyon dahil hindi magpapadikta ang Pangulo na talikuran ang batas para lamang pagsilbihan ang iilan.
Giit pa ni Castro, ang pahayag ng Pangulo na pakikipagkasundo ay hindi lamang para sa mga Duterte kundi para sa taumbayan upang makausad ang pamahalaan at magawa ang mga programang pakikinabangan ng mga Pilipino.