
Iginiit ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro na walang papel si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Bicameral Conference Committee para sa national budget.
Diin ni Castro, ito ay isang eksklusibong legislative function kaya ang partisipasyon ng Pangulo ay pag-pressure sa mga mambabatas at banta sa kalayaan nilang magpasya para sa interes ng mamamayan at hindi ng Palasyo.
Ayon kay Castro, hindi playground ng Pangulo ang BiCam at ang planong presensya rito ni PBBM ay banta sa independence ng Kongreso kung saan sisirain nito ang separation of powers at lalabagin ang prinsipyo ng checks and balances.
Kaugnay nito ay nanawagan din si Castro ng full transparency o pagiging bukas sa publiko ng lahat ng deliberasyon at BiCam para sa budget upang tunay na maipaglaban ang interes ng mamamayan at hindi ng iilang makapangyarihan.
Sabi ni Castro, paraan din ito para mawakasan ang closed-door negotiations kung saan nailulusot ang mga budget cut at dagdag sa pork barrel.