
Nasa Marawi City ngayong araw si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para pangunahan ang iba’t ibang aktibidad.
Unang sinaksihan ng Pangulo ang pagkakabit ng internet sa Temporary Learning Spaces (TLS) sa Barangay Sagonsongan sa Marawi City, Lanao del Sur para mas mapalapit ang internet sa mga liblib na paaralan.
Ang limang Starlink internet units ay personal na donasyon ng Pangulo sa limang paaralan doon kabilang ang Bangon Elementary School, Bacarat National High School, Angoyao National High School, at Cabasaran Primary School.
Namahagi rin ito ng mga school bag na may laman nang gamit sa lahat ng TLS enrollees.
Ininspeksyon din ng Pangulo ang TLS para masigurong patuloy na napagkakalooban ng suportang pang-edukasyon ang mga mag-aaral na naapektuhan ng Marawi seige.
Ang TLS ay isang emergency education initiative na inilunsad matapos ang Marawi siege noong 2017.
Pansamantalang itinayo ang tent at modular structures para maging silid-aralan sa mga lugar na nawasak ang mga gusali ng paaralan upang mag tuloy-tuloy ang pag-aaral ng mga estudyante sa lugar.