DALAWANG SUSPEK SA PAGPASLANG SA BARANGAY KAGAWAD SA CAGAYAN, ARESTADO

CAUAYAN CITY – Arestado na ang dalawang suspek sa pamamaril at pagpatay kay Barangay Kagawad Rodrigo Dupitas ng Brgy. Angang, Tuao, Cagayan.

Ayon sa Cagayan Police Provincial Office, agad umano silang nagsagawa ng hot pursuit operation matapos ang insidente, dahilan upang madakip ang mga suspek. Positibo namang kinilala ang mga suspek sa tulong ng testimonya ng asawa ng biktima. Ayon sa kanya, naka-helmet ang mga ito habang sakay ng motorsiklo; ang driver ay nakasuot ng pulang sweatshirt, samantalang ang namaril ay nakaitim.

Sa pakikipagtulungan ng Tuao Police Station, Provincial Intelligence Unit, at iba pang yunit ng kapulisan, naabutan at naaresto ang dalawa sa National Highway sa Brgy. Bagumbayan.

Kasalukuyan silang nasa kustodiya ng pulisya habang isinasailalim sa imbestigasyon upang matukoy ang motibo ng krimen.

Nadiskubre rin na ang mga suspek ay nasa hustong gulang at residente ng Zamboanga del Norte. Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang tatlong bala ng kalibre .45 at ang kolong-kolong na sinasakyan ng biktima at asawa nito. Ang pamamaril ay naganap habang pauwi ang mag-asawa mula sa palengke.

Facebook Comments