
Patuloy na mino-monitor ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang sitwasyon sa EDSA, lalo na ang kalagayan ng mga motorista at commuter na naipit sa matinding trapiko.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, inaalala ng pangulo ang mga kababayang naantala ang pagpasok sa trabaho at iba pang mahahalagang lakad dahil sa nangyayari sa EDSA.
Kabilang sa tinitingnan ng pangulo ang kondisyon ng mga apektadong biyahero, gayundin ang pagtupad ng Philippine National Police (PNP) sa mandato nitong tiyakin ang seguridad at proteksyon ng mga inosenteng mamamayan.
Samantala, nananatiling mahigpit ang seguridad sa Malacañang.
Sinarado ang dalawang gate ng Palasyo at ang JP Laurel Gate lamang ang bukas para sa pagpasok at paglabas ng mga sasakyan, dahilan ng mahabang pila sa lugar.










