
Pinakikilos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Energy o DOE para agad maresolba ang mga power disruption na naging sanhi ng rotational brownouts sa ilang lugar sa bansa nitong mga nakaraang araw.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, mabilis na umaksyon ang DOE para maibalik sa normal ang operasyon ng power grid at mabawasan ang epekto ng brownouts lalo na sa mga ospital at iba pang pasilidad na may kritikal na pangangailangan.
Kabilang sa mga hakbang ang pagpapagawa at pagpapanumbalik ng mga apektadong linya ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP, kabilang ang Tayabas-Ilijan at Dasmariñas-Ilijan 500-kilovolt lines.
Nakikipag-ugnayan na rin ang DOE sa mga power generation companies para maibalik ang sapat na suplay ng kuryente sa grid.
Pinakilos na rin ang Grid Reliability Task Force kasama ang Energy Regulatory Commission (ERC), Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP), The National Transmission Corporation (TransCo) at Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM) upang tiyaking maayos at ligtas ang suplay ng kuryente sa bansa.
Inatasan din ng DOE ang NGCP na magsumite ng kumpletong ulat tungkol sa nangyaring power disruptions.










