PCOO, pumayag na ituloy ni Asec. Uson ang entertainment contracts nito; pero pagsasayaw sa casino, hindi ipinagpaalam ni Uson

Manila, Philippines – Inamin ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na pinayagan nila si Assistant Secretary Margaux “Mocha” Uson na ipagpatuloy nito ang mga entertainment contracts bago pa man ito maitalaga sa PCOO.

Matapos ang pag-apruba sa 1.3 Billion budget ng PCOO, sinabi ni Andanar na nagpaalam sa kanila si Asec. Uson kung pwedeng i-honor ang mga kontrata sa entertainment industry.

Ayon kay Andanar na pumayag sila kaakibat ng pagtitiyak na ito ay naaayon sa batas.


Pero hindi naman sinabi sa kanila ni Asec.Uson na pagsasayaw pala sa casino ang ilan sa mga kontrata nito.

Dagdag ni Andanar, nai-forward na ang kaso sa tanggapan ng Executive Secretary para suriin kung sakaling may nalabag na batas si Asec. Uson lalo’t ito ay isang Presidential Appointee.

Mahigpit na pinagbabawalan ang sinumang government official na makita sa loob ng casino o mahuling nagsusugal pero pinag-aaralan pa kung ang pagsasayaw ni Asec. Uson sa loob ng isang casino ay kabilang sa mga violation.

Facebook Comments