Thursday, July 9, 2026

PDRRMO PANGASINAN, PINAIGTING NA RIN ANG PAGHAHANDA SA POSIBLENG EPEKTO NG SUPER TYPHOON “INDAY” ‎

Pinaigting na ang paghahanda ng Pangasinan PDRRMO para sa banta ng Super Typhoon “Inday” kung saan sa ngayon ay nasa white alert Status na. ‎ ‎

Ayon kay Vincent Jun Chiu, Operations Training Head ng PDRRMO, mahalagang bahagi ng paghahanda ang isinagawang Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) upang matukoy ang mga posibleng panganib at maihanda ang mga kinakailangang hakbang bago tumama ang anumang kalamidad, gaya ng bagyo. ‎ ‎

Sa kasalukuyan, wala pa umanong naitatalang humihingi ng tulong at nananatiling nasa White Alert Status ang kanilang tanggapan, ang pinakamababang antas ng alerto na hindi pa nangangailangan ng full emergency response. ‎ ‎

Ipinaliwanag ni Chiu na may tatlong antas ng alerto ang kanilang tanggapan—White, Blue, at Red Alert—kung saan ang Red Alert Status ang pinakamataas na antas ng kahandaan sa panahon ng emergency. ‎ ‎

Dagdag pa niya, patuloy silang nagbabantay sa lagay ng panahon kahit wala pang nakataas na tropical cyclone wind signal sa lalawigan ng Pangasinan. ‎ ‎

‎Aniya, nakahanda na rin ang kanilang mga kagamitan kabilang ang mga ambulansiya, heavy equipment, emergency vehicles, at mga satellite office upang agad na maipakalat kung kinakailangan. ‎

‎Mayroon na ring nakahandang 14 water assets o rescue boats para sa mga posibleng pagbaha at water rescue operations. ‎

‎Sakaling makaranas ng pananalasa ng isang malakas o super typhoon, sinabi ni Chiu na nakahanda ang Narciso Ramos Sports and Civic Center sa Lingayen, gayundin ang iba pang mga evacuation center sa iba’t ibang bayan at lungsod ng lalawigan upang pansamantalang tuluyan ng mga residenteng maaapektuhan. ‎ ‎| 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments