
Nagsanib-puwersa ang Philippine Army at Australian Army sa isinagawang Exercise Kasangga 2025-1, ang kauna-unahang pinagsamang pagsasanay militar ng dalawang hukbo sa Mindanao.
Sa ilalim ng Kasangga exercise, isinailalim sa iba’t ibang matitinding pagsasanay ang mga sundalo gaya ng jungle at urban operations, breaching operations, tactical combat casualty care, jungle survival training, mobility at counter-mobility drills, at reconnaissance operations.
Ayon kay Army Chief Lt. Gen. Roy Galido, tatlong platoon mula sa 4th at 10th Infantry Division ng Philippine Army at Combat Engineer Regiment ang lumahok, kasama ang kanilang Australian counterparts.
Layon nitong hasain ang galing ng mga sundalo sa aktwal na senaryong panggiyera habang pinapalalim ang ugnayan at pagkakaunawaan sa taktika at pamamaraan ng bawat panig.
Ani Galido, ang unang Army-to-Army exercise na ito sa Mindanao ay mahalagang hakbang sa pagpapalakas ng ugnayang pangdepensa ng Pilipinas at Australia na patunay ng ating iisang layunin na tiyakin ang seguridad sa Indo-Pacific.
Inaasahang magtatapos sa June 24, 2025 sa Camp Kibaritan, Bukidnon ang naturang pagsasanay.