Isinusulong ng Sangguniang Panlungsod ng Dagupan na gawing community-based sport ang pickleball sa lungsod para mahikayat ang mas maraming residente, lalo na ang mga kabataan, na makilahok sa mga gawaing pampalakasan at pangkalusugan.
Ito ay matapos ihain ang isang draft resolution noong Hunyo 8 kung saan binigyang-diin na hindi lamang pagpapakilala ng panibagong isport ang layunin ng panukala kundi ang pagsusulong din ng aktibong pamumuhay sa komunidad.
Nakasaad sa resolusyon ang kolaborasyon ng City Health Office, City Tourism Office, Department of Education, mga pampubliko at pribadong paaralan, Sangguniang Kabataan, sports organizations at 31 barangay ng lungsod para sa promosyon ng pickleball.
Sa deliberasyon, nabanggit ang pagdami ng pickleball community at ang lumalawak na partisipasyon ng mga paaralan sa naturang isport, kabilang ang pagsali ng ilang pampublikong paaralan sa mga kompetisyon mula pa noong 2023.
Ilan sa mga konsehal ang nagpahayag ng suporta sa programa habang tinalakay rin ang usapin ng gastusin at ang pananaw ng ilan na ang pickleball ay para lamang sa maykaya.
Sa kabila nito, mas abot-kaya umano ang mga gagamitin tulad ng training paddles at mga pasilidad gaya ng paggamit ng basketball courts para sa pansamantalang paglalaro ng pickleball.
Umaasa ang mga opisyal na ang hakbang ay hindi lamang makatutulong sa pagpapaunlad ng pickleball kundi maging ng iba pang sports programs sa lungsod. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣






