
Inatasan na ni PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. ang Philippine National Police–Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) na tumulong sa imbestigasyon sa pagkamatay ng isang babaeng political vlogger na pinagbabaril sa Caloocan City.
Kabilang dito ang pagsusuri sa mga post at iba pang nilalamang inilathala ng biktima sa kanyang mga social media platform.
Bukod dito, inatasan na rin ni Nartatez ang regional director ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na tiyakin ang masusing pagsisiyasat sa lahat ng posibleng anggulo ng kaso, pati na ang pagbibigay ng seguridad sa kinakasama ng biktima na kasalukuyan pang nagpapagamot sa ospital.
Ayon kay Nartatez, walang lugar ang karahasan sa isang komunidad kung saan kinikilala at iginagalang ang kalayaan sa pamamahayag.
Aniya, may iba’t ibang paniniwala at opinyon ang bawat isa, ngunit mananatiling nakatindig ang PNP sa pagprotekta sa mga karapatan ng mamamayan at sa pagpapanagot sa mga sangkot sa nasabing krimen.
Nagpahayag naman ng pakikiramay ang PNP sa pamilya at mga tagasuporta ng biktima.










