Pisikal na kopya ng umano’y warrant of arrest ng ICC laban kay FPRRD, inaantabayanan pa rin ng Malacañang bago kumpirmahin

Hanggang sa mga oras na ito ay wala pang natatanggap na kopya ang Malacañang ng umano’y warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, hinihintay pa nila ang pisikal na kopya bago ito makumpirma.

Paliwanag ni Castro, hindi kasi miyembro ng ICC ang Pilipinas kung kaya’t may iba’t ibang opsyon para maipadala sa gobyerno ang kopya nito kung mayroon man.

Pwede aniya itong idirekta sa Office of the President, Department of Justice (DOJ), o sa gobyerno ng bansang kinaroroonan ng taong aarestuhin.

Dagdag pa ni Castro, nakausap aniya si Justice Asec. Mico Clavano at sinabi nitong wala ring natatanggap ang DOJ.

Pero tiniyak ng Palasyo na agad nila itong isasapubliko kung sakali man maglabas ng official copy ng warrant of arrest ang ICC.

Facebook Comments