
Mahigpit ang babala ng Philippine National Police (PNP) laban sa mga grupong nanghihikayat sa mga estudyante na sumali sa militanteng kilusan, kasabay ng pagbubukas ng klase ngayong araw sa mga pampublikong paaralan.
Ayon kay PNP Chief PGen. Nicolas Torre III, tiyak na may mananagot kung may magtatangkang sirain ang kinabukasan ng mga kabataan partikular na ang mga nagtutulak ng droga at mga grupong gumagamit ng estudyante para sa kanilang radikal na layunin.
Sinabi ni Torre na hindi palalagpasin ng Pambansang Pulisya ang anumang banta sa seguridad ng mga kabataan dahil may kaakibat itong kaparusahan.
Dagdag pa ni Torre, itinuturing ng PNP na seryosong banta ang anumang uri ng recruitment sa mga paaralan na may layuning iligaw ng landas ang mga kabataan.
Hinimok din ni Torre ang publiko na maging mapagmatyag at agad magsumbong sa mga awtoridad kung may mapansing kahina-hinalang aktibidad sa paligid ng mga paaralan.
Bukas aniya 24/7 ang lahat ng police stations at hotline ng PNP para tumanggap ng ulat mula sa mamamayan.