
Ipagpapatuloy ng Philippine National Police (PNP) ang fact-finding review sa mga ulat ng extrajudicial killings o EJKs at mga kaugnay nitong insidente.
Ito ay kasunod ng naging direktiba ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para matiyak ang kompletong pagsusuri sa mga dating operational reports lalo sa panahon kung saan si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa ay nagsilbi bilang Davao City Police Director.
Kinumpirma ni PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. na magiisyu ng subpoenas ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa mga indibidwal na sangkot sa nasabing insidente para pormal itong makapagbigay ng inpormasyon na makakatulong sa gagawing imbestigasyon.
Kasama ng CIDG ang Directorate for Investigation and Detective Management at ang PNP Legal Services para matiyak na ang isasagawang imbestigasyon ay naaayon sa batas, koordinado, at nakabase sa mga ebidensya.
Nilinaw naman ng PNP na ang mga subpoena ay hindi arrest warrants kundi isang legal na instrumento na may layon na kumuha lamang ng mga impormasyon at para magbigay linaw sa nasabing mga ulat.










