PNP, nanindigang walang ransom na ibinigay sa mga dumukot sa estudyante

Iginiit ng Philippine National Police (PNP) na walang ibinigay na ransom sa mga dumukot sa estudyanteng kinidnap na nag-aaral sa isang high end private school sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig.

Ayon kay PNP Public Information Officer (PIO) Chief PCol. Randulf Tuaño, noong una ay mayroong demand na pera ang abductors pero hindi aniya ito kayang ibigay ng mga magulang ng bata.

Paliwanag ni Tuaño, na-pressure ang mga kidnappers kaya napilitang pakawalan ang bata kagabi dahil sa techical lead na sinundan ng PNP Anti-Kidnapping Group at Human Intelligence ng mga awtoridad.

Samantala, hindi pa makumpirma ng PNP kung talagang pinutulan ng daliri ang bata bago tuluyang pakawalan.

Aniya, hihintayin muna nila ang ilalabas na medical assessment ng ospital kung saan nagpapagaling ang bata.

Kaugnay nito, tinitignang motibo ng pulisya ang pagkakadawit ng tatay ng biktima sa operasyon ng ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.

Dawit daw kasi ang tatay ng bata sa bigtime e-selling ng iba’t ibang produkto online.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa kaso at nangakong papanagutin sa batas ang mga suspek.

Facebook Comments