
Nakabalik na sa bansa ang 14 na Pilipinong tripulante ng M/V SIDR matapos ang pag-atake sa kanilang barko sa Strait of Hormuz na ikinasawi ng dalawa nilang kasamahan.
Sinalubong kahapon ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga nakaligtas na seafarers sa kanilang pagdating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., agad na ipagkakaloob sa mga tripulante ang medical at psychosocial support, pati na ang pagproseso ng kanilang mga benepisyo.
Sa pakikipagtulungan ng may-ari ng barko, Philippine Embassy, Migrant Workers Office (MWO), at gobyerno ng Oman ay naging ligtas ang pagpapauwi sa mga marino.
Tiniyak naman ng OWWA na patuloy silang nakaalalay sa mga nakauwing overseas Filipino workers (OFWs) at sa kani-kanilang pamilya habang unti-unti silang bumabalik sa normal na pamumuhay.










