
Mananatili muna sa Cardinal Santos Medical Center si dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez kahit naglabas na ang Sandiganbayan ng commitment order para sa kanyang detensyon sa Quezon City Jail–Male Dormitory sa Payatas.
Ayon sa kautusan ng Sandiganbayan ngayong Setyembre 10, hindi pa tapos ang pagdinig sa manifestation at urgent motion ng kampo ni Romualdez kaugnay ng patuloy niyang hospital confinement. Itutuloy ang pagdinig bukas, Setyembre 11.
Naglabas din ang Third Division ng Sandiganbayan ng subpoena para sa psychiatrist ni Romualdez na si Dr. Lourdes Ignacio, na haharap sa pagdinig bukas kaugnay ng mosyon para sa patuloy niyang pananatili sa Cardinal Santos Medical Center.
Habang wala pang panibagong kautusan ang korte, mananatili muna si Romualdez sa ospital.
Gayunman, inilipat na sa BJMP Quezon City Jail–Male Dormitory ang pangunahing kustodiya at responsibilidad kay Romualdez. Maaari namang humingi ng tulong ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) para sa kaniyang seguridad.










