Ayon sa DOH, mahalagang lumikas agad kung may inilabas na babala ng pagbaha upang maiwasan ang panganib sa buhay. Pinayuhan din ang publiko na huwag tumawid o magmaneho sa rumaragasang tubig dahil maaari itong magdulot ng aksidente at pagkasawi.
Binigyang-diin din ng ahensya na hindi dapat hayaang maglaro ang mga bata sa baha, kanal, sapa, at ilog dahil sa panganib ng pagkalunod at pagkahawa sa iba’t ibang sakit.
Dapat ding mag-ingat sa mga nakatagong panganib sa baha tulad ng mga butas sa kalsada at mga matutulis na bagay na maaaring magdulot ng pinsala.
Hinikayat din ang publiko na iwasang lumusong sa baha hangga’t maaari upang makaiwas sa leptospirosis at iba pang impeksiyon.
Kung hindi maiiwasang mabasa ng baha, mahalagang agad na maghugas ng katawan gamit ang malinis na tubig at sabon upang mabawasan ang panganib ng pagkakasakit.
Samantala, pinayuhan ang lahat na agad tumawag sa 911 o sa pinakamalapit na local emergency hotline kung may agarang pangangailangan o emergency. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








