
Nagsalita na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region XI sa reklamo ni Davao City Mayor Sebastian Duterte kaugnay ng hindi nakokolektang basura dahil sa pagpapasara ng DENR sa New Carmen Sanitary Landfill.
Magugunita na gumuho ang bundok ng basura doon noong May 20, 2026, na tumabon sa labinlimang kabahayan.
Sa isang pahayag, sinabi ng DENR na tuloy-tuloy ang koordinasyon ng ahensya sa Davao LGU hinggil sa muling pagbubukas ng Davao landfill.
Una nang naghain ng iba’t ibang rekomendasyon ang DENR, gaya ng na paghahanap ng ibang lugar na pagtatapunan ng basura, pero, humirit ang LGU na gawing temporary disposal area ang isang lugar sa loob ng sanitary landfill at nangakong magpapatupad ng safety at engineering interventions
Sa ngayon ay inaantay na ng DENR na makumpleto ng LGU ang mga hinihinging safety at engineering interventions bago tuluyang alisin ang suspension order sa Davao City Sanitary Landfill (SLF) .
Kabilang na dito ang pagtapos sa retrieval operations, ang pagkakaloob ng mga support evacuations at ang proteksyon para sa mga manggagawa sa mga kalapit na komunidad.
Magsasagawa ang DENR ng pag-validate compliance ng LGU sakaling makatugon na ito sa mga requirements.










