PULIS, PATAY NANG SUMALPOK SA SUV SA BAYAN NG CORDON, ISABELA

68
Cauayan City, Isabela- Patay ang isang pulis matapos sumalpok ang minamanehong motorsiklo sa kasalubong na SUV na aksidente ring bumangga sa sinusundang elf truck sa kahabaan ng Barangay Taringsing, Cordon, Isabela.

Nakilala ang biktimang pulis na si PMSg. Miller Aglabtin, tatlumput tatlong taong gulang na nakatalaga sa RTC 2 Cauayan City at residente ng Brgy. Bayaoas, Aguilar, Pangasinan.

Ang drayber ng SUV ay kinilalang si Kevin Dela Cruz, tatlumput dalawang taong gulang, residente ng Bayombong, Nueva Vizcaya habang ang driver ng elf truck ay si Jose Aranda Jr., limamput apat na taong gulang at residente naman ng bayan ng Quirino, Isabela.

Lumalabas sa imbestigasyon ng PNP Cordon, parehong binabaybay ng elf truck at SUV ang lansangan patungong Southbound direction nang biglang mag-slow down si Aranda na kung saan ay mabilis naman ang patakbo ni Dela Cruz na dahilan ng pagbangga nito sa likurang bahagi ng elf truck.

Bumaliktad ang SUV at napunta sa kabilang lane na sakto namang paparating ang motorsiklo na lulan ng pulis kaya sumalpok ito sa SUV.

Dinala sa pinakamalapit na pagamutan ang pulis at tsuper ng SUV subalit idineklarang dead on arrival ng attending physician si PMSg Aglabtin dahil sa natamong matinding sugat sa katawan.



Nasa pangangalaga ng PNP Cordon ang mga sangkot na behikulo para sa tamang disposisyon. Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa nangyaring insidente.

Facebook Comments