Muling nagpaalala ang pulisya sa mga motorista na maging maingat sa pagmamaneho at sumunod sa tamang lane discipline kasunod ng aksidenteng kinasangkutan ng kotse, garong, at truck sa kahabaan ng Gayaman Road, malapit sa hangganan ng Binmaley at Dagupan City, noong umaga ng Sabado, Hunyo 27.
Batay sa paunang imbestigasyon, sinubukan umanong mag-overtake ng isang kotse sa outer lane habang nasa inner lane ang garong na may kargang bangus fingerlings.
Iniwasan ng garong ang kotse ngunit nasagi ito ng kasalubong na truck, dahilan upang tumilapon sa kalsada ang kargang fingerlings at masugatan ang driver nito.
Agad na rumesponde ang mga pulis at rescue personnel sa lugar upang magbigay ng paunang lunas.
Wala namang naitalang malubhang pinsala sa mga sakay ng kotse at truck. Sa huli, nakapag areglo ng maayos ang lahat ng panig at nakalabas na ng ospital ang driver ng garong.
Ayon sa pulisya, mahalagang iwasan ang biglaang pag-overtake at sundin ang tamang daloy ng trapiko, lalo na sa mga kalsadang may mabigat na daloy ng sasakyan, upang maiwasan ang disgrasya. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







