
Kada dalawang linggo na lamang idaos ang pulong ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Committee sa gitna ng epekto ng sigalot sa Middle East.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, nagpasya ang pamahalaan na gawing bi-weekly ang meeting ng komite dahil tuloy-tuloy naman ang trabaho ng mga ahensya kahit walang lingguhang pulong.
Nakikita rin naman aniya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na patuloy ang pagkilos ng gabinete para mabawasan ang epekto ng Middle East crisis sa bansa.
Nakatakda ang susunod na pulong ng UPLIFT Committee sa Mayo 19.
Noong huling meeting noong Mayo 5, ipinag-utos ni Pangulong Marcos ang mahigpit na pagbabantay sa presyo ng bigas.
Giit ng pangulo, walang problema sa suplay kaya walang dahilan para tumaas ang presyo nito.










