Wednesday, September 16, 2026

Red at Yellow Alert, itataas sa Visayas Grid ngayong araw

Magpapatupad ang National Grid Corporation of the Philippines o NGCP ng Red Alert sa Visayas Grid ngayong araw mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-6:00 ng gabi.

Ilalagay naman ang grid sa Yellow Alert mula alas-4:00 hanggang alas-5:00 ng hapon at muling ipatutupad mula alas-6:00 hanggang alas-8:00 ng gabi.

Kabilang sa mga dahilan ng Red at Yellow Alert ang hindi operational na malalaking coal-fired power plants na TVI 1 at PEDC 3, gayundin ang limitadong suplay ng kuryenteng inaangkat mula sa Mindanao Grid.

Ayon sa NGCP, may walong planta rin ang kasalukuyang naka-forced outage at 15 iba pa ang tumatakbo sa limitadong kapasidad.

Nananatili namang normal ang lagay ng kuryente sa Luzon at Mindanao grid.

Ang Red Alert ay kapag kulang ang suplay ng kuryente upang matugunan ang pangangailangan ng mga konsyumer at ng transmission grid, habang ang Yellow Alert ay indikasyon ng manipis na reserbang suplay ng kuryente.

Facebook Comments