Taong 2022, opisyal nang ipinasara ang 60 taong Dumpsite bilang bahagi ng programa ng lungsod para sa mas maayos na pamamahala ng basura.
Muli itong binuhay noong 2024 bilang pagproseso ng food waste upang gawing organic fertilizer sa pamamagitan ng koordinasyon ng Waste Management Division (WMD) at City Agriculture Office.
Ayon kay Waste Management Division Head Bernard L. Cabison, malaking tulong ang mahigpit na pagpapatupad ng waste segregation sa lungsod.
Aniya, ang mga nabubulok na basura ay ginagawang organikong pataba para sa mga halaman, habang ang mga dinurog na bote at iba pang recyclable materials ay ginagamit bilang sangkap sa paggawa ng hollow blocks.
Samantala, ayon kay Bonuan Binloc Barangay Secretary Joseph Querol na malaki ang naitulong ng rehabilitasyon at aktibong nakikilahok ang kanilang barangay sa waste segregation tulad ng paglalagay ng mga segregation bins sa harap ng Materials Recovery Facility (MRF) at pagbili ng truck na ginagamit sa pangongolekta ng basura sa mga sitio.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagtutulungan ng 31 barangay sa Dagupan City sa pagsasagawa ng waste segregation at pagsunod sa collection schedule.
Mahigpit ding ipinatutupad ang Ordinance No. 1929-09 o ang “No Segregation, No Collection” policy upang higit pang mapalakas ang tamang pamamahala ng basura sa lungsod. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣






